SOCSARGEN PEACE NETWORK SUMUSUPORTA SA PAGSULONG NG USAPING PANGKAPAYAPAAN
Batid nating lahat ang hinagpis at sakit na nararamdaman ng mga pamilya at kasamahan ng mga sundalong nasawi noong Oktubre 19, 2011 sa Al-Barka, Basilan. Sa kanilang misyon upang huluhin ang myembro ng bandidong Abu-Sayaff, labing-siyam na sundalo ang namatay at marami ang nasugatan sa engkwentrong ito.
Ang nakakalungkot na pangyayaring ito ay nagbunga ng kabi-kabilang panawagan na itigil na ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng MILF at maglunsad ang pamahalaan ng All-Out-War laban sa rebeldeng grupo.
Maalala nating noong 2000, naglunsad ng All-Out-War ang dating Pangulong Estrada laban sa MILF na nagbunga ng pagkamatay ng maraming tao, paggasta ng bilyong piso sa bala at armas, pagkawasak ng mga ari-arian, pagtigil ng hanapbuhay, pagtigil ng mga kabataan sa pag-aaral, pagkaranas ng kakulangan sa pagkain, sakit sa mga evacuation centers at pagdulot ng pagkawasak ng mga unti-unting nabubuong pagkakaisa, unawaan, katatagan ng ugnayan ng tri-people sa Mindanao.
Ang paraang ito ay di nagtagumpay, bagkos ito ay nauwi sa kahirapan, pagkamuhi at paghihiganti. Ito ay lalong nagpalugmok sa ating bansa sa krisis pinansiyal at nagpa-atras sa mga namumuhunan. Noong 2008, libu-libong mga sibilyan ang muling naapektuhan sa gyera sa pagitang ng mga militar at mga grupo nina Cmdr Kato at Cmdr Bravo.
Tanggap natin ang katotohanan na kailan man ay walang nanalo sa gyera, lahat ay talo. Ang SocSarGen Peace Network, isang samahan ng mga institusyon at indibidwal mula sa mga sektor ng akademiya, kabataan, simbahan, NGO, kawani ng gobyerno at media na nagsusulong ng kapayapaan para sa Mindanao, ay mahigpit na TUMUTUTOL sa paraang paglulunsad ng All-Out-War at pagpapatigil ng usaping pangkapayapaan sa MILF upang mabigyang hustisya ang mga nasawing sundalo.
Taos-puso naming sinusuportahan ang pinaninindigan ng Pangulong Noynoy Aquino sa di paggamit ng All-Out-War laban sa MILF. Amin ding hinihikayat ang pamahalaan at MILF na bumalik sa negotiating table at ipagpatuloy ang paghahanap ng mapayapang paraan sa paglutas ng problema sa Mindanao. Ang All-Out-War ay maaaring magdadala ng hustisya sa iilan subalit magdudulot ng “kawalan ng hustisya” sa libu-libo na namang mga mamamayan.
Nananawagan din kami sa lahat, lalong lalo na sa media sa pagtulong sa pagbibigay ng tamang inpormasyon at pagsulong sa usaping pangkapayapaan sa Mindanaw.
No comments:
Post a Comment